Limang na Tula

Rosmon Tuazon

Thich Quang Duc

Baka nahuhuli ka sa balita, pero may mongheng
naligo ng gaas sa may interseksiyon at ngayon ay tangan
ang isang palito. Ngayon ay 1963. Ito ay Saigon.

Kung wala ka rito ay baka nawawala ka,
sa kasukalan, gumaganti ng putok sa mga puno,
o nakatanghod sa bintana ng silid-otel, pinagugulong-

gulong sa daliri ang balang laging bagong-punas, sa isip
ang nalalapit na parada. Habang pilit tinutularan ng liyab
ang posisyong lotus ng kaengkuwentro:

kung ayaw pumalag, alangang apoy,
sabi mo, sakaling isa ka sa mga nasa gilid ng kalsada,
sa hilera ng mga nagwawala’t nagngangangawa

na parang mga trak ng bomberong paikot-ikot lamang
sa lungsod, iniiwasang matunton ang sunog.
Ngunit ano ang matutubos bago matupok

ang isa sa kanila? Dali, may umigib ng kahit santimba
nang maibsan ang lapnos ng apoy, nagsusumamo,
tinutusta ang tainga ng monghe sa bawat bulong nito.

Kung wala ka rito, baka ika’y paroo’t parito
sa iyong opisina, hinihilo ang silyang hindi mo maipaubaya.
Na parang sisilaban ka anumang sandali ngayon,

niririndi ng tili ng punglo na tila sa isang puntirya lamang
posibleng dumapo. Pero huwag kang mabahala
sa ngayon. Walang apoy, walang monghe, wala ka roon

sa umpisa pa lamang. Ngunit may bunton ng uling
na waring nakaposisyong lotus sa may interseksiyon.
Ito ay Saigon. Ngayon ay 1963. Malamang buhay ka pa.





Memento

Ito ang kutsara at sangkutsarang saklap.
Ito ang tasa at santasang latak.

Ito ang balabal ng balo ng mundo.
Ito ang banig na may habing mga matang mulagat.

Ito ang kuwintas na maningning sa guniguni ng bulag.
Ito ang pulseras ng matakaw sa bagay na makikintab.

Ito ang pasong puno ng pinakapinong buhangin.
Ito ang plorera mula sa bahay na hindi nagpapatuloy ng liwanag.

Ito ang espadang masinop na maisisilid sa dibdib.
Ito ang maskara ng walang hindi kamukha.

Ito ang aklat ng mga instruksiyon sa patay na wika.
Ito ang anitong nagtataboy sa mga bisita sa aming bayan.

Ito ang postkard ng siyudad ng hindi mo maaaring panggalingan.
Kunin ang maibig at maiiwan ka.





Ubasan

Lumulundo na ang mga balag sa ubas at uod.
                Kung gayon, pitasin ang mga ubas, pitasin ang mga uod.

 Hinog na ang mga uod kaya’t nangagkikislot ang mga ubas.
                Kung gayon, punan ang mga tiklis ng kapuwa pamimintog.

 Ang aking bakuran, bukal ng alak na makatitighaw sa mga anghel.
                Kung gayon, pigaín ang mga ubas, pigaín ang mga uod.

 Ngunit ano ang bunga ng lahat: uod o ubas?
                Nalalangong rebelde sa katas ng laksang kamatayan.

 Sasaluhan mo ba ako sa aking sagana, kaibigan,
                Sari-sariling tanim, kani-kaniyang ani. Iyo ang iyong trahedya

                              kahit isang tikim?
                                                hanggang sa huling patak.





Sakaling Kapusin

Sakaling kapusin ako sa mga salita,
maglalakip ako ng bulong sa isang sobre

at isisiksik ito sa bitak sa dingding
ng silid kung saan ako papanaw.

Isa-isa kong ikakaila ang mga binitawang salita
noon: inibig ko siya bago ang katuwiran

ng pag-ibig. O, saka na ako lilimot.

Sakaling kapusin ako, iuusal ko
sa isang plorera ang nalalabí sa labì.

Pupunan ko ito ng tubig, magtutulos ng rosas
na bumukad mula sa pinagtitiklop na papel.

Sa wakas ay matututo akong manahimik.
Hindi ito ang mga salita na makasasagip sa akin.





Marasmus

Isang babae ang kinasusuklaman ko sa agaw-dilim.

Hindi ako pangit, ako lamang ay malungkot.

Natitisod ang aking yapos sa isang hapong suso,
biglang-lubog ng tadyang, sa umbok ng pilat.

Hindi ako malungkot, ako lamang ay gutom.

Ipinaghanda ko siya ng hapunan
ngunit hindi siya nag-angat ng kubyertos ni minsan.

Hindi ako gutom, ako lamang ay bagot.

Ngunit ano ang gusto mo, saan kita dadamayan?

Hindi ako bagot, wala lamang akong pasensiya.

Magdamag ko siyang katalik ngunit wala
kahit butil ng pawis na kumatas sa kumot.

Hindi ka inutil, hindi. Wala ka lamang maibibigay.