Balong Malalim

Mesándel Virtusio Arguelles

Minsan, hindi man sinasadya mayroong mahuhulog
sa balong matagal nang walang tubig. Waring barya
kakalansing ito pagsapit sa pinakalalim, aalingawngaw
sa guwang na pagdaka’y maliligid ng mga bata: pag-isipan
kung paano maiaahon ang di-sinasadyang nahulog

Kung dudungaw ka dudungaw sa iyo ang isang malalim
na titig. Ihuhulog mo ang isang salitang hiling, mawawari
walang hanggan itong mahuhulog sa sansaglit bago sapitin
ang pinakalalim na ilang panahon nang natuyo. Kikilapsaw
at madarama mo ang mahabang uhaw na tila mapapawi

 

Bakit sasabihing ang salita ay malalim. Sa balon ay liligid
ang mga bata. Bakit sasabihing ang balon ay malalim
kung maiaahon ng salita ang salita. Nasa mga bunganga
ng mga bata nakabitin sa mga dila ang mga kahilingan
Bakit panghahawakan ang bibitiwang salita. Tuwina

hiling mo ang isang tula. Isang tula mula sa salitang ihuhulog
sa tuwina. Tuwina, dagling kakainin ng dilim ang salitang
ihuhulog ng iyong bunganga, walang pag-asang mawari
kung ito’y aabot sa pinakalalim. Mananatili ang bunganga
sa ibabaw ng mundo hindi mapatitikom ang pagkaguwang

 

Hindi ka makaaahon sa balon ng imahen ng balon
Ang salitang iyo nang ihuhulog sa mga salitang patuloy
sa pag-abot sa iyo. Ang iyong iaahon hindi makaaahon
hindi habang-panahon. Sa pagsisiuwi ng mga bata
tahimik kang lalapit sa kanilang niligiran, mataman

aaninagin mo ang isang araw nilang pinag-isipan kung paano
iaahon—naihulog nila maging ang hindi dapat maihulog
Marahan mong ibababa ang nakalubid na timba, dudulas
sa iyong mga palad ang pinagnisnis nang hibla ng panahon
habang ang bunganga ng balon tila lulunukin ang iyong dila

 

Maiiwan ng panahon walang maiiwan kundi ito—
nakaguwang na bungangang naghihintay ng mahuhulog na bunga
nang walang anumang dahilan. Isang araw ang araw dudungaw
at matatagpuan ang matagal nang hinahanap: ang aninong minsan
nang mahulog hindi makaahon sa mahabang panahon

 

Hindi masasaid ang imahen ng balon: isang daang balon
Isang daan ang balon kung iisipin patungo sa bukal ng tubig
na kailangang masaid sa ibabaw ng mundo bago malusong
ang pinakalalim: isang daang balon. Maiaahon ang anuman
maihuhulog ang anuman. Hindi mo matatakpan

ang mananatiling bukas sa bawat bukas na wala
sa bawat bukas ng daigdig hanggang sa bukas na wakas. Ikaw
pagdungaw sa balon ang madurungawan ang nahihimbing
nang nakanganga nananaginip nang hindi maiaahon nagsasalita
sa pagtulog hindi maaabot ng salitang nahuhulog