mula sa Mula sa Silong

Christa I. De La Cruz

Simula

Kahit mga unang tao’y di saksi
sa unang pagsabog ng dilim,
unang bugso ng sinag
o pagguho ng panahon
para magkapanahon. Malaman man
sa kapanahunan ang kanilang agwat
mula sa simula, sa isa't isa,
at sa katapusan, hindi matitiyak
sa ragasa ng unang mga bituin
kung paanong umugong

ang liwanag
                     sa kawalan.

May mga tuldok
na mamamatay, mabubuhay,
tutuloy-tuloy sa pagdaloy,
hahabol sa bilyong taon,
dadagdag sa libong bituing
mabubuhay, mamamatay

muli. Ngunit hindi
silang mga hindi unang saksi
ang hindi makaiigpaw
sa init ng lamig.



Paliparan

Sa mga gabing nilulunod tayo
ng dilim ng langit, bahagya
tayong naniningkit, naghahanap
ng apoy ng dragon, kalahating-
kabayong Centaur, mukha ng oso,
ngipin ng leon, at sungay ng toro.
Itinataas mo ang maliliit kong kamay,
ipantuturo ang daliri sa pananggalang
ni Orion o espada ni Perseus, at isusunod
ang mga laban ni Heracles.

Iginuguhit mo ang lahat sa kuwento
habang wala pa ang Nanay, habang
wala pa ang pagdalaw ng antok.

Sa mga gabing nilulunod ng liwanag
ang langit, inaakala kong planeta
ang pulang ilaw ng poste sa itaas ng gusali
at lulan ka ng nagkukumpulang
bulalakaw sa himpapawid. Iniisip ko:

paano mo ituturo at iguguhit
ang mga asong hahabol sa lobo
kung dalawang hanay ng mga bituin
ang sinusundan mo? Hindi pa rin

darating ang himbing hanggang marinig
ang ugong ng makina at umiikot na elesi
na nagsasanay na sa paglubog ng dilim.



Odysseus

Hayaan lang sana aking minamahal,
na ika'y kumutan nitong mga palad,
magdamag dampian katawan mong pagal,
lamig ay sukluban sa init ng yakap.

Hayaang lumapit ang mga daliri
sa kat'wang may ukit ng nagdaang pait,
ako ay guguhit, sana ay mawari—
linyang nakakapit, tila buwang kuwit.

At kung sakali mang humigpit ang kuyom,
sabihin lang, mahal, at ako'y bibitaw
hahakbang palikod, babaling ng tuon—
mula sa malayo'y muling maghihintay.

Isa lang ang hiling: wag sanang itago
mapang nasa palad, pusong magtuturo.



Sa Paggising

Spontaneous generation is a dream.
                                —Louis Pasteur

Kinusot ko ang mga mata
nang isang dahon ang nakitang

tumutubo sa kahoy
sa isang sulok. Isang binhi
na lumalagong walang basbas
ng tubig, walang sikat ng araw,
at walang laman ng lupa; nakapasok
kahit walang bintana.

Maaaring sa panaginip lang
nakita ang eksenang walang
dahilan; sa pagkakahimbing
nabuo ang mga pagkakataong
walang sanhi.



Panubigan

Sinipa ng bata ang unan bago tuluyang
nahulog sa panaginip. Ang sabi-sabi

na ang paggalaw ng paa kung himbing
ay tanda ng paglaki—isa pang gadaliring
sukat sa leeg o binti, sa noo o tuhod,

katulad ng sanggol na lumulutang
sa sinapupunang puno ng tubig,
nakadikit ang ulo sa paa, nakasalikop

sa liwanag na dadaluyan sa labas,
katulad ng katawang nakaputi
at naglalakad palayo sa kadiliman,

katulad ni Icarus na umalpas, lumipad
papalapit sa liwanag ng araw hanggang
sa huli'y di nasagip ng pagsipa sa dagat.