mula sa Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga
Tatlong Dagli Mula Saudi Arabia
Stefani J. Alvarez
Ang Pamimingwit
Huling gabi ng Ramadan nang mapadaan kami ni Salman sa Al-Nakheel beach. Sandali kaming tumambay sa corniche. Lumabas ako sa kotse. Samantala, nanatiling nakikinig sa stereo si Salman. Nakasalang ang album ng Fun na Some Nights.
Lumapit ako sa mga batong nagkapatong-patong habang humahampas nang kaunti ang alon ng dagat. Pinagmasdan ko ang kahabaan ng Al-Nakheel, ilang grupo ng mga Pilipino ang mga naroon. Mapapansin mo rin ang kani-kanilang company bus na nakaparada. May mga nagtayo ng maliliit na tent. Habang ang iba ay abala sa paghahanda ng kanilang salo-salo sa mga nakahilerang cottages.
Libangan din ng iilan ang pamimingwit. Natanaw ko sa di kalayuan ang isang mama na abala sa paggiya ng kanyang pamingwit. Natukso akong lumapit nang makita kong may hinihila sya. Medyo madilim man dahil lipas-alas-sais na ng gabi, ngunit alam kong may nahuli siyang isda.
“Wow! Ang galing n’yo naman po!” Bulalas ko.
Napangiti siya. “Tiyaga lang, kabayan.”
Naupo ako sa kanyang tabi. Naengganyo na rin akong magmasid sa tubig habang nakikipagsapalaran ang bingwit sa alon.
“Napadaan lang kami rito. Kasama ko ang kaibigan ko. Nakakatuwa. Andami palang nagpi-picnic rito.”
“Oo, tuwing Huwebes ng gabi at lalo ngayong mag-e-Eid at bakasyon,” sagot niya. “Libangan na rin namin ang mamingwit. Libangan na, may pang-ulam pa.”
Muli niyang hinila ang hawak na pamingwit. May nahuli na naman siya. At maingat niyang inilagay ang nahuling pumipiglas na isda sa katabing timba. Pagkatapos, muling kumuha ng pain na nakasilid sa isang maliit na plastic bag. Ikinawit sa taga. Inikot ang pisi. Inikot nang inikot at muling pinakawalan ito sa tubig.
Tahimik siyang nakamasid sa dagat. Nakatuon ang mga mata sa paggalaw ng fishing float na nakakabit sa pamingwit. Matiyaga siyang naghihintay sa isdang kakagat ng pain. Alam niyang mailap ang mga isda. Matiyagang iginigiya ng kanyang mga kamay ang pamingwit. Animo'y tinatantiya ang galaw ng isda sa ilalim ng tubig at ang walang humpay na alon ng dagat.
“Siguro, kahit wala akong trabaho rito ay mabubuhay ako sa pamimingwit. Ito, kasya nang hapunan ng limang anak ko sa Pinas,” wika niya habang tinitingnan ang timba.
“Kumusta po ang pamilya n'yo sa Pinas? Nitong nakaraang linggo, walang bagyo, pero baha naman sa atin,” pahayag ko.
“Sa awa ng Diyos, ligtas naman sila.”
“Ilang taon na kayo rito sa Saudi?”
“Sampung taon na ako rito bilang bus driver. At sampung taon na rin akong namimingwit,” pagbibiro niya.
Narinig kong tinatawag siya ng kanyang kasama.
“Kainan na! Tara na!” Tawag ng isang lalaki mula sa likuran.
“Kabayan, kain tayo,” yaya naman sa akin.
“Salamat po. Tapos na po akong mag-dinner.”
“Malupit ang buhay sa atin. Hindi lang sa laging nasasalanta ng bagyo kundi, kaya tayo nandito dahil sa kawalan ng trabaho. Wala ring dagat doon na tulad nitong mauupo ka lang sa tabi hawak ang pamingwit ay may pang-ulam ka na.” Salaysay niya habang inililigpit ang mga gamit. “At ang hirap mamingwit do’n. Kung walang pating e, lahat buwaya.” Huling pahayag niyang tila nagbibiro hanggang sa siya’y nagpaalam.
Tumuntong ulit ako sa batuhan. Nakakaengganyo ngang mamingwit rito sa Saudi. Tulad nila na libangan nga lang ang pamimingwit. Pero, totoong mahirap talagang mamingwit sa Pinas kaya siguro dito na sa disyerto natutong mamingwit ang ilang OFWs.
Init
Nabulahaw ang aking pagtulog nang maramdaman ko ang sobrang init sa loob ng aking kuwarto. Tsinek ko ang aircon. Nag-down ito. Napansin ko sa desk clock, alas-onse y medya na pala at umabot sa 39 degrees celsius ang temperatura ng aking silid.
Balisa rin si Katrina, ang aking alagang pusa. Ngiyaw siya nang ngiyaw. Naiinitan rin siya. Kaya inilagay ko siya sa loob ng kanyang cage at inilabas sa may hallway.
Sinubukan kong remedyohan ang aircon pero ayaw talaga. Hindi umaandar ang compressor, inikot ko ang thermostat pero wala pa ring nangyari. Mainit pa rin ang ibinubugang hangin nito.
Idinayal ko ang numero ng aking kaibigan upang humingi ng tulong. Pero wala nang sumasagot.
Lumabas ako ng aking kuwarto. Nakatayo ako sa may hallway. Napansin ko sa kabilang apartment, may nakabukas na sliding windows. Isang Arabo. Nagyo-yosi.
Bumaba ako ng gusali. Pagkalipas ng ilang minuto nasa bungad na rin siya ng kabilang building.
Nagkatinginan kami. Sing-init ng atmospera sa paligid at ng temperatura sa loob ng aking kuwarto.
Bitbit ko ang cage ni Katrina. Pumasok ako sa isang malamig na silid sa kabilang apartment.
“Come inside,” yaya ng Arabo na katitigan ko sa labas kanina. Hinaplos niya si Katrina.
“Beautiful cat.” Ngumiyaw ang aking pusa. Ngumiyaw nang ngumiyaw. Siguro naninibago siya sa lugar. Instinct yun ng isang hayop.
At halos buong magdamag ang pagngiyaw ko gayundin si Katrina.
Pancake
Hindi ko na detalyadong ikinuwento kay Salman ang tungkol sa demobilization ko sa SABIC head office. Hindi na rin bago sa kanya ang isyu kumbakit ako tinanggal sa trabaho. Simple lang din ang komento niya. “Don’t mind it. You will always be a sexytary,” pagbibiro pa niya.
Isang buwan ang ginugol sa paghahand-over bago ako naging General Services, Service Management Secretary. Buong buwan ng Ramadan ay nandoon ako para i-train ng kasamahang aalis sa puwesto. Ngunit nang magdesisyon ang Management na tanggalin ako sa posisyon, pinili kong hindi na mag-report kinabukasan. Isang oras lang na-hand-over ko na ang job and responsibilities sa isang Indianong kalihim sa kabilang departamento. Pansamantala, sa kanya ko iiwan ang responsibilidad dahil isang linggo pa bago darating ang replacement ko. Inilista ko lahat-lahat ng mga dokumento at mga kailangang i-follow-up. Ibinigay ko na rin sa kanya ang aking log-on username at password. Kung sakali, kailangan niya ng transactions ay maaari niyang buksan ang aking account.
Nang makausap ko ang aking sponsor sa telepono, tila hindi rin siya nagulat sa rason ng pagkakatanggal ko sa trabaho. Mapalad ako at nasa panig ko ang aking sponsor. “No problem, Jack. We can find you a new job,” ang komprimiso niya.
Kinabukasan, niyaya ako ni Salman papuntang Fanateer. Magte-take-out daw kami ng breakfast sa Kudu, isang food chain na bukas simula 7:00 am until 4:00 am.
“What’s this? A No Job celebration?” Tanong ko.
“This is a family day.” Pabirong sagot niya habang bitbit ang cage ni Salma na tahimik itong nakadapa sa kanyang kahon.
Nag-oder kami ng Kudu breakfast. Sa isang styro box ay may chicken strips, sliced bread, dalawang sunny-side up eggs and butter with strawberry jam at may kasamang isang tasang black coffee. Iyon ang para sa akin. Samantala, pancake and tea naman sa kanya. Pagkatapos ay dumiretso na kami sa Al-Nakheel beach. Pumuwesto kami sa isang maliit na cottage. Inilapag sa mesa ang almusal.
Ngumiyaw-ngiyaw si Salma sa loob ng cage nang maamoy ang pagkain. Naghimay ng maliit na parte ng pancake si Salman at ibinigay sa pusa. Animo’y bata naman na tumahimik nang bigyan ng pagkain ang aking alaga.
Pinahiran ko ng honey at butter ang pancake ni Salman. Iyon ang paborito niya. Naki-share na rin siya ng ilang strips ng chicken.
Nakatanaw kami pareho sa dagat. Ni hindi na namin napag-usapan ang tungkol sa trabaho ko. Tila naiwaglit sa mga sandaling iyon.
May dumaang lalaki, isang street cleaner. Agad na kinumpirma ni Salman na isang Bangladeshi. Magkahalong kulay puti at abo ang mga hibla ng kanyang buhok. Payat. Sunog ang balat sa matinding init ng araw. Halatang matanda na ito. Siguro nasa late 50s na ang kanyang hitsura. Suot nya ay isang kulay asul na overall. Mapapansin sa likuran nito ang pangalan ng kompanya at logo. At tila kinupas rin ang kulay sa tagal ng panahong pagtatrabaho. Bitbit nito ang isang sako habang matiyagang namumulot ng basiyo ng plastic bottles at lata sa gilid ng corniche.
Pinalapit ni Salman ang tagalinis, inabot niya ang natirang pancake at dumukot ng fifty riyals sa kanyang pitaka.
“Saudi Arabia is a country of humanity . . . ” pahayag ko.
Ngumiti siya. “Life is very hard. This old man should not work like this.”
“But he needs a job.”
“But not good for him.”
“Just as I need a job too.”
Ngumiti siya uli. “But you’re beautiful.”
At nasundan iyon ng tawanan.
Pinaandar na ni Salman ang kotse. Sumakay na rin ako. Kinawayan niya ang matanda na ngayo’y nakaupo sa bench habang kumakain ng pancake. Nakatunghay lang ako sa side mirror.
“May Allah bless him,” bulong niya.
“And bless you too . . . ” Bulong ko sa kanya.
Narinig naming ngumiyaw uli si Salma.
“Aha, you need more pancakes!” Ang sabi ni Salman.
“No. She needs a job.”