Anim na Sabado ng Beyblade

Ferdinand Pisigan Jarin

Illustration by Yeow Su Xian

BEYBLADE, MARAMING-MARAMING BEYBLADE. Isa, dalawa hanggang lima. Makukulay na Beyblade. Pula, itim, asul, berde, pilak, ginto, dilaw--basta sari-saring kulay. Gawa man sa plastik o bakal, basta may Beyblade na mabibili pag Sabado.

Inaasahan ko na ito tuwing Sabadong magkikita kami ng aking bunsong si Rebo. Tiyak na magpapabili siya ng paboritong laruang Beyblade. Kaya naman inihanda ko na ang aking bulsa. May halagang 30 hanggang 50, o higit pa. Depende sa ganda ng disenyo at yari. Inihahanda ko na rin ang katawan ko dahil tiyak, mas karga ang gusto niya papunta sa paboritong tindahan sa talipapa ng aming barangay.

Mga 500 metro rin ang layo ng tindahan mula sa bahay ng aking ina kung saan kami nagkikita tuwing Sabado. Magpapababa lang siya kapag mismong nasa harap na kami ng tindahan at kaya na niyang ituro at hawakan ang paboritong laruan. Palapit pa lang kami ay sasalubong nang nakangiti ang tindero. Kilala na kaming mag-ama. Alam na ang iskedyul ng aming pagpunta. Handa nang magturo ng mga bagong labas na disenyo na maaaring magustuhan ni Rebo. Mas una kasing tinitingnan ni Rebo ang kulay at disenyo. Pangalawa na lang kung plastik o bakal ang yari. Pero batay sa karanasan, mas makiling si Rebo sa plastik. Kung ihahambing sa pagkahilig niya sa iba pang laruang umaandar, (trak-trakan man o kotse-kotsehan), mas madalas niyang laruin ang Beyblade. Siguro’y dahil mas maliit itong di hamak sa trak-trakan o kotse-kotsehan. At di tulad ng dalawa, maaari itong dalhin kahit saan. Huhugutin lang sa bulsa.

Kay Rebo, tiyak na may huhugutin kahit saang bulsa. Sa bulsa ko, kapag may hawak na siyang Beyblade na “panlaban,” tiyak ding kamay na lang ang laman. Patagalan ng pag-ikot sa loob ng platapormang bilog ang labanan ng Beyblade. Ang tumalsik palabas, talo. Ang unang huminto kahit nasa loob pa ng plataporma, talo. Si Rebo, batay pa rin sa karanasan, madalas talsikan ng Beyblade. Subalit di tulad ng ibang batang madalas mawalan ng gana dulot ng pagkatalo, patuloy ang paglaban ni Rebo. Lalo niyang hihigpitan ang hawak sa matigas na pising may mala-lagareng mga ngipin. Tatatagan ang kapit sa mala-baril na patungan ng Beyblade. At mabilis na hahatakin ang pisi palabas mula sa makipot na butas ng patungan na magtatanggal at mabilis na magpapaikot sa mala-flying saucer na Beyblade pabagsak sa plataporma upang muling makipaglaban.

Apat na Sabadong nakipaglaban ang aking bunso ng Beyblade sa plataporma ng laro. Labing-isang buwan siyang nakipaglaban sa kanser sa kanyang dugo sa ospital ng karamdaman.

 

*

Sa katulad kong guro, bakasyon ang Abril. Sa katulad ng bunso kong mag-aapat na taon, panahon ito ng mas maraming nakakatandang pinsang makakalaro.

Huling linggo ng Marso taong 2003, nang lagnatin siya nang isang linggo. Matapos ang lagnat, ilang araw na di nagkakain at tuluyang namutla. Pagsapit ng unang Sabado ng Abril ng aming pagkikita, halos ayaw na niyang magpababa mula sa pagkakakarga dulot ng madaling pagkapagod. Hanggang unti-unting lumitaw ang mga pasa.

Una’y sa binti, tapos sa braso, hanggang matagpuan na rin ito sa kanyang paa, dibdib at hita. Ang kanyang labi’y parang ibinabad na sa suka. Klinika, ‘yong pinakamalapit na klinika ang agad na tinakbo ng isip ko. “Meron akong limang daan, hahanap pa ako ng pandagdag kung kinakailangan, pangalanan niyo lang ang mga sintomas na nararamdaman ng anak ko!” Ito ang mga eksaktong salitang gustong-gusto kong sabihin sa unang doktor ng titingin sa aking anak. Subalit umabot na sa tatlong libo, pakikiusap at pangungutang, tatlong doktor at dalawang klinika, pagpapamanhid sa sarili upang di matinag sa palahaw ng tinutusok na anak ay di pa rin namin nalaman ang pangalan ng kanyang karamdaman. Mabilis na tibok ng puso na di normal sa kanyang edad. Kulang sa dugo. Mga tanging interpretasyon ng mga doktor. Mga interpretasyong di tapos. Kailangan pa ng ibayong pagsusuri ng mas dalubhasa. Marami pang pagtusok at palahaw. Kirot at nginig ng kalamnan. Dagdag na pagpapamanhid sa katauhan ng mga magulang at iba pang nagmamahal.

Mabigat, subalit pinatatag ko di lamang ang aking tuhod kundi pati dibdib sa pagkakatayo sa loob ng ospital. Anuman ang maging resulta, kailangang nakahanda ako. Palibhasa’y pinakamalaking pampublikong ospital ng bansa, tila mahabang ahas ang pila ng mga taong kinabibilangan ng kanyang ina. Mahabang pila ng hospital card na magsisilbing pasaporte upang makausap ang doktor na mas dalubhasa sa nararamdaman ng aking anak.

Nung araw na iyon, ayaw bumaba ni Rebo mula sa aking bisig. Kahit na maaari rin naman siyang kargahin ng kanyang ina. Ang gusto niya, si Taytay lang ang kakarga. Si Naynay ang pipila at hawakan ko ang kanyang Ate Kala gamit ang libreng kamay.

“Kasi Sabado, di dapat agad matapos ang Sabado. Di dapat mawala agad si Taytay dahil maghihintay na naman ng panibagong Sabado o araw na tatapatan ng kanyang suweldo bago siya muling makita. Di bale nang mawalay kay Naynay ng ilang oras, kasama naman siya araw-araw. Basta si Taytay lang muna ang kakarga, hahawak, kukuwentuhan, kakalaruin, pabibilihin ng “ays wis” (ice cream) at “babuygyam” (bubble gum) at hihigaan sa dibdib kasi Sabado pa!” Alam ko, ito ang mga eksaktong salitang nais niyang sabihin kung kaya lang idetalye ng kanyang murang isip at bigkasin ng kanyang bulol na dila nung araw na iyon.

Mag-iisa’t kalahating taon na kaming hiwalay ni Joida bilang mag-asawa nang magkasakit si Rebo. Maraming di mapagkasunduan. Magkaiba ang direksyon tinitingnan. Idagdag pa ang madalas na kawalan ng pera. Resulta ng maaga at di hangang pag-aasawa. Ayaw ko nang idetalye pa kung paano kami naghiwalay. Basta magulo. Isa sa mga nakalipas na inilibing ko na sa lupalop ng mga kinalimutang gunita. Gayunpaman, dumating ang puntong kailangan naming kalimutan ang di pagkakasundo at maging sibilisado para sa mga bata. Ito na ‘yong panahon na mag-isa na akong namumuhay sa ayaw-ipaalam-kahit-kanino na lugar. Ang mga anak ko ay itinira naman ni Joida sa bahay ng kanyang kapatid. Pinalad na akong makapagturo sa isang prestihiyoso at malaking pribadong paaralan ng mayayaman at makaranas na ng paghugot ng sapat ng sahod sa ATM. At di tulad ng ibang amang nag-iwan-ng-tae ang konsepto ng pakikipaghiwalay, siniguro kong mas malaking bahagi ng aking “dalawang lingguhang yaman” ay mapupunta sa pagpapalaki ng aking dalawang anak at magtira na lamang sa sarili ng sapat para mabuhay nang may konting inom ng alak.

 

*

Mahal na mahal ko ang aking anak. Kaya masakit ang malamang di pala sapat ang pagmamahal para ipinanggalang sa pag-atake ng malubhang sakit.

Acute Lymphocytic Leukemia. Mas kilala sa tawag na “ALL.” Tipikal na uri ng leukemia sa mga edad na tulad ng kay Rebo. Chemotherapy ang tanging paraan ng panggagamot. Mahabang panahon ng gamutan. Induction, consolidation, maintenance stage. Tatlong estado ng panggagamot. Anim, apat, pababa sa isa na matatapang na droga ang dapat pumasok sa murang katawan ng aking anak. Mga drogang papatay sa mga cancer blast na namumuo sa loob ng kanyang katawan. Mga drogang walang mata at maaaring sirain maging ang mga walang sakit niyang laman-loob na pagmumulan ng komplikasyon.

Dalawang linggong singkad na kaming nasa ospital bago nagkaroon ng pangalan ang kanyang karamdaman. Hindi na kami nakaalis mula sa unang araw na kami’y nagbalak lang magpatingin at umasang sabihan na ang kailangan lang niya ay mga gamot na magdadagdag ng kanyang dugo. O kaya’y magpapatibok nang normal sa kanyang puso. Nakakabingi ang pagragasa ng mga eksaktong detalye at interpretasyon. Subalit pinilit kong ipasok lahat sa aking utak na unti-unti na ring namamanhid nang mga oras na iyon. Mabilis na humilera sa isip ko ang larawan ng mukha ni Rebo na punumpuno ng kirot mula sa araw-araw na pagtusok ng karayom tuwing kukuhanan at sasalinan ng dugo. Tutusukin sa braso, paa, balakang, kamay, at kahit saan pang parte na mayroong ugat na di pa namamaga at maaari pang daluyan ng dugo.

Larawan ng puro pasang si Rebo. Maliit at malalaking pasa, mapupula at maiitim na pasa.

Larawan ng nakakalbong si Rebo. Nang nalalagasan ng buhok na si Rebo.

Larawan ng mga lagas na buhok na nililipad ng hangin at di mo alam kung saan papadparin (sa kalaunan, nangyari ang lahat ng ito.)

Teorya sa radyasyon o kaya’y namanang sakit? Parehong di tiyak. Pinakasimpleng paliwanag, di tumanda ang butong dapat lumikha ng sapat na dugo upang mabuhay nang malusog ang aking anak. Hindi sumabay sa kanyang pagtanda.

Buto, dugo, pesteng buto! Pesteng dugo! Walang magulang ang nagnanais marinig ang lahat ng paliwanag na ito. Isa lang ang malinaw: hindi pagtatae o lagnat ang nararamdaman ng aking anak, unti-unti na pala siyang namamatay.



*

Naaalala ko pa, di ko mapigilang maluha sa loob ng taxi habang ingat na ingat na hawak ko ang lalagyan ng dugong ipasusuri sa isang malayo at malaking laboratoryo. Lubha akong nagmadali nung araw na iyon. Kailangang di mapanis ang dugo. Kakaiba ang dugo dahil kinuha pa sa likuran ni Rebo. Cultured Blood ang tawag nila.

Isipin ko pa lang ay parang baretang sumaksak sa dibdib ko ang sakit na tiniis ng aking anak makuha lang ang pesteng dugo na tanging magpapakilala ng kanyang karamdaman. Apat na kaming pumigil sa kanya maiporma lang ang katawan niya na tila hipon upang matusok at daluyan ng dugo ang ugat niyang malapit sa buto ng kanyang likuran. Ako, ang kanyang ina, ang doktor at ang nars, kung tutuusin ay kulang pa kami sa lakas ng kanyang piglas, animo’y kakataying baboy ang kanyang palahaw.

“Wa n’yo ko ‘awak! Wa n’yo ko ‘awak! Taytay! Naynay! Wa n’yo ko ‘awak tabi!” (Huwag n’yo ko hawak! Huwag n’yo ko hawak! Taytay! Naynay! Huwag n’yo ko awak!)

Wala na yatang pinakamasakit pang pakiramdam ang maaaring maranasan ng mga nagmamahal sa tanawing pisikal na nasasaktan ang iyong minamahal. Idagdag pa dito ang tila pagtulong mo upang lalo siyang masaktan. Subalit walang ibang paraan.

“Putang-inang sakit ‘yan! Putang-inang dugo ‘yan! Putang-ina n’yong lahat!” Gustong-gusto kong isigaw ang mga ito subalit pinili ko na lang na itago sa aking utak at dibdib. Ayaw ko nang magdagdag ng hirap. Ayaw ko nang magdagdag ng sakit. Dahil alam kong simula sa araw na iyon, di ko na kailangang imbitahan pa ang hirap at sakit. Kusa na silang darating.

 

*

Tatagal kami sa ospital. Isang buwan, dalawa, apat, di ko alam kung gaano karami basta sigurado ko, tatagal kami. Paulit-ulit kong isinaksak ang isiping ito sa aking utak. Nais kong makapaghanda, “gagaling si Rebo, lalakas si Rebo, di mamamatay ang aking anak!” Kailangang maging handa. Kailangang laging handa. Kailangan dapat handa!

“Tapos po ako ng pagtuturo kaso wala pa ring mapasukan.” “Sa bagay, kahit magtuturo ka ngayon, di mo kakayanin.” “Oo nga po e.” “Di mo ba kaya kahit ‘yong tig-tatatlong daan lang na kuwarto isang araw?” “Hindi po talaga kaya e.” “Sige, ipakita mo na itong papel sa opisina ng Social Services. Doon sa bandang kanan.” “Salamat po! Maraming salamat!”

Kailangang magpanggap, magsinungaling, mapunta lang si Rebo sa Charity Ward ng ospital. Dito, kahit paano, kutson ang mahihigaan ni Rebo, di hamak na mas mainam kesa higaang bakal na de gulong ng Emergency Room. May telebisyon pa. Suwertihan ng lang kung ‘yong gusto niya ang palabas. Marami kasing nanonood. Mga maysakit (malubha hanggang sa pinaka-malubha), taga-pagbantay ng maysakit (mula sa nagtatawanan, umiiyak, o simpleng tulog), mga dumadalaw sa maysakit (mula sa nagmamadali hanggang sa nagtatagal). Lugar ng mga sakit na kitang-kita sa lahat ng aspekto ng pagkatao ng mga naroroon. Mga taong galing sa maralitang bahagi ng lungsod. Sa pinakamalapit hanggang sa pinakamalayong probinsiya ng bansa. Lahat umaasang dito gagaling. Lahat naghihintay ng tulong sa mga kilala at ayaw magpakilalang pilantropo na paminsan-minsang dumadalaw. Lahat kapos sa pera kahit simpleng pambili man lang ng pinakamurang ineksiyon.

Sa lugar na ito, libre man ang higaan at pagkain, kailangang mong bilhin ang lahat ng gamot at kagamitang kakailanganin sa gamutan. Ako, totoong may trabaho, subalit kailangang nandito kami upang makatipid. Walo, pito, anim na libo ang halaga ng gamot ni Rebo linggo-linggo. Di pa kasama ang halaga ng mga ineksiyon, dextrose, mga tubo, espesyal na pagkaing malimit niyang hilingin, bayad sa laboratoryong wala sa loob ng ospital na nagsusuri sa kanyang dugo hanggang sa pamasahe. Mapurol ka man sa matematikal na kaalaman, dito, tiyak na tatalas ka, lalo na sa pagkukuwenta ng pera at malalim na buntong-hininga.

Matututo ka ring mang-uri ng tao. Tahimik at maiingay na katabi, palabigay at palahingi. Masusungit at masayahing nars. Suplado at madaling lapitang doktor. Matalino at tangang intern (na nakawalong tusok na sa anak ko ay di pa rin makapagpalabas ng dugo. Kamura-mura ang mga ganito.) Mga walang pusong laboratory technician na ayaw tumanggap ng konting dugo kahit na aprubado ng doktor ang dami, (“Anong akala n’yo sa dugo ng anak ko? Tinatabo sa balde?! Tang-ina n’yong lahat!”) at kalma at halos masisiraan ng ulong kapamilya dulot ng depresyon. Ang mga maysakit, konsistent sa pag-iingay. Pagsigaw man o palahaw, halong bata at matanda, kung meron mang tahimik sa kanila, ‘yon ‘yong mga may pasak ng tubo sa bibig.
        
Si Rebo, basta’t nakalagpas na ang ritwal ng pagtusok at pagkuha ng dugo, ang pinakamalikot at makulit. “Alisin na ang dextrose sa pagkakasabit! Mamamasyal na ako sa mga kutsong kalapit!” Kaya’t madalas, binibiro siya ng mga naroroon, “H’wag ka na dito, wala ka namang sakit, e!” Madalas din niyang ganithan ang birong ito ng pag-irap, pagdila at ibayo pang pangungulit. Kaya’t wala pang isang buwan, wala nang di nakakakilala sa Charity Ward kay Rebo bulol at kulit.

 

*

Tulong. Laksa-laksang tulong. Kahit anong uri ng tulong ang kinailangan ko para mabuhay ang aking anak.

“Ma, nagpadala na ba ang Tita Naida? E, ang Lola Conching?” “Kap, salamat sa pera ha!” “Kagawad, paano nga uli pumunta ng Sweepstakes office? Salamat nga pala uli dun sa mga koleksiyon sa mga zone leader. Napaiyak pa pala si Mama sa harap.” “Tita Marilyn, bayaran ko na lang ‘pag nakaraos.” “Ano?! Galing ‘to sa koleksiyon ni Tita Jean sa mga estudyante?” “Tita Vic, dito muna si Kala ha! Di puwedeng umalis si Joida sa ospital, e.” “Kala, huwag malikot ha! Behave ka dito!” “Tol, nasabihan mo na ba ang tropa? Konting dugo lang naman ang kukunin para pamalit.” “Mga p’re, salamat ha! Inom na lang tayo next time. Kain na muna kayo ng ampalaya.” “Ma’am, sir, absent po ulit ako ngayon, kailangan po kasi ako sa ospital. Salamat po pala sa tulong ng Faculty Club at iba pang department.” “Sige po. Okay lang i-pray over si Rebo sa ospital. Hintayin namin kayo.”

Di kami nabigo, maraming nagmamahal at dumamay. Di man ako magtanong laging maraming tugon ng pagtulong. Paraiso sa gitna ng ilang, tubigan sa gitna ng disyerto.

Umabot pa kami ng limang buwan sa loob ng ospital bago narating ni Rebo ang pinakahuling estado ng gamutan, ang maintenance stage. Setyembre na noon. Ibig sabihin, minsan isang buwan na lang siya babalik sa ospital para magpa-chemo. Tatlong taon ang itatagal ng estadong ito. Sa panahong ito, nakapagdiwang na ang aking anak ng kanyang ikaapat na taon at unti-unti nang tumutubong muli ang buhok sa kalbo niyang ulo. Lubusang gagaling ang anak ko pagsapit niya ng ika-pitong taong gulang. Tamang-tamang edad sa pag-aaral. Tiyak kong hindi na siya bulol sa panahong ito.

Sa labas ng ospital nagmistulang batang walang sakit ang aking si Rebo. Laro dito, laro doon. Kain dito, kain doon. Maliban na lamang sa pagkakataong kailangan naming bumalik sa ospital para sa sesyon ng chemotherapy. Tuwing matatapos ang sesyon, tatlong araw na lantang-gulay ang anak ko. Walang gustong lunukin kundi malamig na tubig. Walang gustong kagatin kundi yelo. “An ini ‘Tay nan aawan o!” (Ang init ‘Tay ng katawan ko!) Suka nang suka at todong bugnutin. Ayaw ng maingay. Ayaw ng magulo. Iritado.

Pero pagdating ng ikaapat na araw, balik na sa normal ang lahat. Gigising ng maaga, sasamang maghatid at susundo sa kanyang Ate Kala sa eskuwelahan. Makikipaglaro sa kanyang Ate Kala pagkauwi nito galing sa pag-eeskuwela. Subalit ang pinakagusto niyang gawin, ang humiga lamang sa sofa at manood ng manood ng pamabatang palabas sa telebisyon.

Bukod sa pagkikita tuwing Sabado at sa mga araw ng suweldo, pagtawag araw-araw, umaga at hapon ang komunikasyon ko sa aking mga anak. At madalas na hintayin ito ni Rebo. Maliban na lang sa tuwing dumarating ang “tatlong araw na pasakit” ng chemotherapy. Tsamba na lang kung nais niya akong kausapin. Madalas kong itanong sa kanya kung magaling na siya at sasagutin niya ito ng malakas na “Magaying na!” (Magaling na!) Pinapangako ko rin siya na huwag kaming iiwan ng kanyang Ate Kala na sinasagot niyang madalas ng “ayoo nga!” (ayoko nga!) Subalit minsan, pabiro siyang sisigaw sa kabilang linya ng “Us-o o na!” (Gusto ko nga!) Sabay kakanta ng anumang kanta na natutuhan niya sa telebisyon.

Kung alam lang niya ang tindi ng panghihina ko sa “us-o o na!” Kung gaano ako nililiyo ng kaba.

Tulad ng ibang bata, sabik na hinintay ni Rebo ang Pasko. Kapapasok pa lang ng Disyembre’y madami na siyang pinabiling damit at laruang bago. Subalit bago pa man dumating ang mga bago. Kalagitnaan pa lang ng buwan ng Pasko. Tumambad na sa amin ang resulta ng huling pagsusuri ng kanyang dugo: cancer relapse. Muling paglitaw ng mga cancer blast. Sa madaling salita, malubha uli ang leukemia ng aking anak. Kailangan muling ulitin ang proses ng gamutan. Basura na ang dati.

Bagong pag-aalala, hirap, pagod, paghingi ng tulong at gastos. Ang pinakamasakit, bagong kirot ng katawan at pangwawasak ng kaluluwa ang paulit-ulit na mararanasan ng aking anak. Subalit di na siya pumayag. Tatlong araw bago matapos ang Enero nang sundin ko ang kahilingan ng aking anak.

“Uwi na ‘ayo ‘tay! Ayaw o na a uspi-al. Di o na aya.” (Uwi na tayo Tay. Ayaw ko na sa ospital. Di ko na kaya.)



*

Mabigat sa dibdib.

Ang totoo, ang kanyang ina, pati na ang ilang kapamilya ay nagsabi na sa akin na ipaubaya na lang sa Panginoon ang kapalaran ng aking anak. Disyembre pa lang nang malamang malubha uli ang kanyang karamdaman. Natatandaan kong nagwala ako sa ganito kababaw na argumento. Pinakatanga at palasukong argumento ang tingin ko sa ganito. Sinigawan ko sila. Inaway. Subalit sumunod ako nang si Rebo na ang nagsalita. Gusto ko mang ituloy pa ang laban, kahit marami pang damdaming masagasaan, pinatigil ko na ang gamutan dahil hindi na niya kaya. Pinatunayan na ito ng paglitaw ng pantal sa buo niyang katawan di pa man tapos ang muling kauumpisang sesyon ng chemotherapy.

Labing-apat na sesyon at labing-isang buwan ng gamutan ang pinili na nilabanan bago sumuko ang aking mandirigma.

May pag-asa pa.

Dasal, milagro, alternatibong medisina, kahit anong di makakasakit at makapaghihina, gagawin ko.

Bibilhin ko. Mabuhay lang ang aking anak.

Ang aking si Rebo. Ang pinakamamahal kong bunso.

 

*

“Anong gusto mo anak? Bertdey mo na bukas? Limang buwan pa a! Pero sige, gusto mo e! Yellow balloons? Lahat yellow? Sige, magpapagawa ako. Maghahanda tayo dahil bertdey mo na bukas! Yipee!”

Unang sabado ng paglabas niya ng hilingin na niyang magdiwang ng kaarawan kahit hindi pa araw. Nangumbida ako ng maraming tao kasabay ng bilin na huwag kalimutan ang regalo at pagbati ng “Happy Birthday Rebo!” Kailangang di niya malimutan ang araw na ito. Dapat pinakamasaya ang Sabadong ito sa lahat ng Sabado. Maraming-maraming laruan. Stuffed Toys, Mini-Helicopter, Walkie-Talkie, Crush Gear, Remote Controlled Cars, at higit sa lahat, ang Beyblade. Ang paborito niyang Beyblade. Maraming-maraming Beyblade.

Tinanggap niya ang lahat ng ito at marami pang iba sa kanyang kaarawan. Sa kanyang pagtuntong sa limang taon. Kahit di totoo. Kahit hindi pa araw.

Ikalawang Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling naglaro ng Beyblade kasama ang mga pinsan.

Tatlong araw bago dumating ang ikatlong Sabado, sorpresa ko siyang dinalaw. Unti-unti na siyang nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na niya makuhang laruin ang Beyblade bagamat ayaw niya itong bitawan sa loob ng kanyang kamay o di kaya’y bulsa. Ang nakapanggagalit, unti-unti na namang nalalagas ang kanyang buhok. (“Putang-inang chemotherapy, di na nga tinapos, nakuha pang kalbuhin uli ang anak ko!”) Subalit pinipilit pa rin niyang maging malakas bagamat talagang di kaya ng kanyang paang tumayo ng kahit ilang sandali man lang. Nakakadukot na rin siya ng mga matitigas na butil ng dugo sa loob ng kanyang gilagid. Sa labas ng bahay na kanilang tinitirhan, lubos kong ikinagulat ng tanungin niya ako ng: “‘Tay, may peya a?” (‘Tay, may pera ka?) Dali-dali kong hinugot at binuksan ang aking pitaka at ipinakitang meron itong laman. Agad akong nagtanong kung ano ang nais niya na sinagot naman niya ng agarang pagturo sa isang kalapit na tindahan. Kung mabilis man akong nakabili ng mga kending kanyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis agad sa tindahan at nakangiting bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang aking anak. Nagpabili siya kasi nais maglambing ng aking anak. Nang kami’y pumasok na sa loob ng bahay, naiwang nilalanggam na ang nakabukas ngunit di nagalaw na mga kendi sa aming kinaupuan.

Tuluyan na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong Sabado. Subalit di na kusang nalagas ang mga buhok. Sa kanyang muling pagka-irita, sinabunutan niya ang kanyang sarili upang tuluyang matanggal ang mga buhok. Nang araw na iyon, kinumbida ng isa kong kasama sa trabaho ang isang mascot upang bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo nang walang bayad. Matapos ang pagtatanghal, bagamat di man lang siya makangiti at makatawa, kitang-kita sa kanyang mata ang kasiyahan. Isang kasiyahang unti-unting humina at nawala.

Di na maikakaila ang mabilis na pagkapawi ng lakas ng aking anak pagsapit ng ikaapat na Sabado. Di na niya makuha pang ipasok ang pisi ng Beyblade upang mapaikot ito. Ramdam na ang pagod at hingal sa kanyang pagsasalita. Kaya’t kahit nang dalhin ko siya sa isang karnabal, isa lamang ang ninais niyang sakyan. Ang mga maliliit na helicopter na tumataas at bumababa ang tila octopus na galamay na bakal. At sa tuwing tataas, hahanapin ako ng tingin sa baba at malungkot na ngingitian. Pagkababa, mabilis na siyang nagyayang umuwi. At pagkauwi’y humiga ng humiga at paulit-ulit na tumingin sa kawalan.

Huling Sabado ng Pebrero ang ikalimang Sabado. Ekasaktong katapusan. Kasabay ng pagtatapos ng Pebrero ay pumanaw ang aking anak. Ilang sandali matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa kanyang mga mata at pagtirik ng mata, ibinuga niya ang kanyang huling hininga.

Namatay siya habang tangan ko sa aking bisig. Hinintay lamang niya ang aking pagdating. Di na kami nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng pintua’y pinakawalan na niya ang sunod-sunod na palahaw ng matinding sakit na di nais danasin ng kahit sino.

Isa’t kalahating oras siyang naghirap. Nabulag, nanigas, nilabasan ng maraming dugo sa bibig, at naghabol nang naghabol ng hininga. “Hindi nangyayari ito! Walang nangyayaring ganito. Mabubuhay ang anak ko! Sabi niya hindi niya kami iiwan ng Ate Kala niya! Nasaan ang mapayapang paraan ng pagkamatay na sinasabi n’yo!” Nais kong isigaw ito sa lahat ng kapamilyang nakapaligid sa amin subalit walang lumabas sa aking bibig. Pinipi ako ng malakas nilang pag-iyak. At bilang isang nagnanais maging mabuting ama, nang alam kong di na kaya pang lumaban ng aking anak, pinabaunan ko siya ng halik at hinayaan ko na siyang lumisan. “Sige na ‘Bo. Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.”

At saka ako umiyak ng umiyak.

 

*

Hindi ko man lang naranasang ihatid siya sa eskuwelahan. Di na namin nagawang makapag-usap nang masinsinan bilang mag-ama. Magkuwentuhan tungkol sa panliligaw habang nagtatagayan. Magtalo, magdebate, magsama sa lakaran.

Nakuha kaya niyang mangarap kahit apat na taon lang ang kanyang naging buhay? Paano na si Kala? Sila lamang ang magkakampi mula nang maghiwalay kami ng kanilang ina. Paano ko sasabihin sa aking panganay na kailanma’y di na niya makikita ang kanyang kapatid? Na ang pagkawala ni Rebo ay ang pagkawala rin ng taong naghahatid at naghihintay sa kanyang pag-eeskuwela. Mangungulila ang kanyang mga damit, sapatos, libro at laruan, kapatid at kaming mga magulang.

Subalit di ko pinayagang mangulila ang Beyblade.

Nakapaloob sa puting supot na ibinuhol nang maayos. Ang maraming-maraming Beyblade ay ipinatong ko sa malamig at matigas ng kamay ng may-ari bago tuluyang ibaba at tabunan ng lupa ang kabaong.

Ikaanim na Sabado nang paglabas ni Rebo sa ospital. Huling Sabado na masisilayan siya ng mga nagmamahal.

Wala na ang Beyblade at ang may-ari nito. Payapa na silang nakahimlay sa loob ng kabaong. Magkasamang tutungo sa lugar na walang sakit, walang gutom, walang hirap. Payapang magpapaikot at iikot. Maglalaro nang maglalaro.

Habang kaming mga naiwan ay paglalabanan at pag-aaralang tanggapin ang kirot ng lungkot.




Published in Anim na Sabado ng Beyblade at iba pang sanaysay by Visprint Publishing (2013)
Reprinted second edition by the University of Santo Tomas Press (2020)