mula sa Mahal Kong Sol

Stefani J. Alvarez

Artwork by Anastassia Tretiakova

Araw 13

Mahal kong Sol,

Sasabihin kong katumbas ng katahimikan ang pangingibang-bayan na nag-aanyong pangungulila. Kaya sinumang migrante ay maaaring ito rin ang pakahulugan. O sabihin nating tulad na lamang sa Unbearable Lightness of Being ni Milan Kundera, ayon pa sa kaniya na ang isang nilalang na lumayo sa kaniyang tahanan o pinagmulan ay palatandaan ng kalungkutan. Napakaabstrakto ng damdamin, tulad ng pagsusulat, tulad ng sining. Nakatunghay ako sa labas mula sa munting durungawan. Sa loob nitong puting silid, nababasa ko ang sandaang kuwento ng pag-iisa…

*

Araw 29

Mahal kong Sol,

Maaga akong nagising. Mag-isa. Nagisnan ang isang panaginip. Bumangon ako’t nagtimpla ako ng kape. At naisip kong lumabas, maupo sa napalawak na hardin sa Kastilyo. Alam kong nasisilip mo ang aking natutunghayan ngayon, at sana nasisilip mo rin ang aking panaginip.

Minsan o sa maraming pagkakataon naging ina ako ng aking bunsong kapatid. Kaya siguro hinahanap niya ako sa kabila ng milya-milyang layo. Nakatalikod man siya, nakaupo sa nakausling ugat ng isang malaking puno, ngunit sigurado akong siya iyon. ”Maghulat ko diri,“ wika niya. Naalala kong mga panahong para kaming mga pusang gala sa Cagayan de Oro. Ang lugar kung saan kami nagkamulat. Malalim na ang gabi. Magkatabi kaming nakaupo sa bench sa malungkot na McArthur Park. Padalang nang padalang ang mga tao at sasakyang dumadaan. Naramdaman ko ang kaniyang pag-aalala nang tanungin niya akong, “Asa ta mouli?” Tinangay ko ang aking paningin sa kahabaan ng Velez street. Nilalamon ng karimlan ang di kalayuan. Tulad ng mga katanungang wala akong kasagutan. “Duol na mouli si Mama. Basin mobalik ra si Tatay.” Totoong malupit ang paligid. Palamig nang palamig ang hanging nanunoot sa dibdib. At nanalaytay sa sementadong upuan. Nakatulungko ang aking kapatid sa pagkakaupo. Parang nagdarasal o ibinubulong nang tahimik ang kaniyang birthday wish. Ngunit walang humpay na tinutukso ng mapanglait na mga lamok. Tila ba ayaw nilang padalawin ang antok. Kinakagat ko ang aking labi. Nilulunok ang mga hinagpis. Nakatulog siya, maaaring sa pagod o sa paghihintay.

Hinarap ko ang aking sarili at naitanong, ano at saan nga ba ang tinatawag na tahanan? Alam mo bang makailang ulit kong sinuyod ang Solitudestraße na tila nais kong imapa ang aking mga bitbit na alaala? Inihatid ko sa malayong-malayo ang aking paningin upang sundan ang linya, ang daan patungo sa kabilang ibayo. Saglit akong mapapatigil nang marinig ang isang boses, mula sa kabilang eskina ng Kastilyo. Iikutin ko uli ang bawat kanto, ang bawat gilid. Nag-iisa ako. Tumingala ako sa simboryo at bumulong sa hangin. Gaano ka na katagal rito? Ilang buhay ang pinagnilayan mo bago ako natutong isalaysay ang aking mga kuwento? Kilala mo ba ang aking kapatid?

Bigla kong naalala ang mga panahong nagdeklara ng war on drugs si Duterte. Lubos ang pag-aalala ko. Hindi na kami mga pusang gala. Ngunit baka mapagkamalan siyang hayop. Maaaring hahandusay at itapon na lang basta-basta sa kanal. Libo-libo sila. Maraming walang pangalan. At hindi na nakauwi sa kani-kanilang tahanan.

Sa matatayog na punong ito, sa gitna ng napakalamig na umaga, hinahagilap ko kung anong meron taglay itong pananahimik o sadyang nakabalot ang katahimikan. Naisip kong nakakapaglakbay kaya sila sa alternatibong mundo na nadadayo natin sa tuwing ipipikit natin ang ating paningin. Kaya sinilip-silip ko na para bang isang pananda at baka dito ko masumpungan ang kasagutan. Para akong nanay na hinahanap ang anak at nag-aalalang kailangang gisingin ito sa nakatakdang oras. Kasisibol lang ng kanilang mga dahon. Ngunit matatag na nakakapit ang kanilang mga ugat sa lupa. Mapagkalinga ang kanilang mga sanga sa mga kulisap at ibong gala. Saglit kong idinampi ang aking palad sa puno. At nais kong tanungin kung anong meron sa kaniyang loob. Naghihintay rin kaya siya? Tumingala ako uli. Nanlilibak ang uwak. At lumipad palayo. Marahil pinagdududahan niya ang aking hinahanap. Maulap ang langit. Tila bahagyang nakabukas na bintana ang tumatagos na bidlisiw sa silangan. Sa likod ng maliliit, malalaking sanga, nababasa ko pa rin doon ang mukha ng isang naghihintay. O sadyang nagbabalik-alaala lamang ako sa mga panahong pareho naming hinihintay ang mga di kailanman dumating at nagbalik sa aming buhay.

Ngayong gabi, uupo ako sa ilalim ng puno sa kahabaan ng Solitudestraße. Tulad ng isang ina na naghihintay sa kanyang anak pauwi bitbit ang isang panaginip.

*

Araw 114

Mahal kong Sol,

At tulad ng maraming gabing nanggagambala ang mga bangungot at pangitain. Maaga akong nagising o sadyang hindi ako nahimbing. Alas-sais nang ako’y bumangon at natunghayan ang umagang tila Melancholia ni Lars von Trier. Ilang minutong lumipas, nagdilim ang panginorin. Bumalisbis ang ulan. Itinuloy ko pa rin ang paglalakad sa Königstraße hanggang sa marating ang kubo sa gitna ng kakahuyan. Sumilong ako saglit. Pinakinggan ang ihip ng hangin, kaluskos ng mga dahon, at ang tikatik ng ulan. Naririnig ko isa-isa, pati ang aking mga alaala. 

*

Araw 132

Mahal kong Sol,

Pumasyal kami uli ni Michael sa Schloss Veitshöchheim. Nilibot ang hardin, pinagmasdan ang mga isda sa lawa, namangha sa fountain at sa mga nakapalibot na sari-saring bulaklak. At tulad sa Kastilyo sa Solitude, may kakaibang pakiramdam ng luwalhati ang pagbisita sa magagandang tanawin na pinanatili ang kakabit nitong kasaysayan.

Naikuwento ko kay Michael ang nangyaring pagkasunog ng Manila Central Postal Office. Isang neoclassical building na pananda sana bilang makasaysayang pook at gusali sa Pinas. Naalala kong mahigpit na tagubilin sa lahat ng fellows at guests ang pagsunod sa mga gabay upang maiwasan ang sunog sa Kastilyo. At sa tuwing may fire alarm (na direktang nakakonekta sa Fire Department ng Stuttgart) dahil sa usok o napabayaang niluto sa kusina, walang abog-abog isang fire brigade ang darating.

Dinaanan din namin ang Bücherschrank sa bungad ng plasa sa Veitshöchheim. Maswerteng natagpuan ko ang isa sa mga aklat na The Shadow of the Wind ni Carlos Ruiz Zafón. Pabalik sa parking area, binaybay namin ang ilog Main habang pareho naming ninanamnam ang sorbetes mula sa isang local Eissalon. May ikinubli akong alaala sa Manila Central Post Office na hindi ko na ikuwento kay Michael. Nais kong ipasilip sa iyo mula sa isang dagli na isinulat ko noon.

Sa Central Station ako bumaba. May naalala akong nais bisitahin. Papalayo na ang tren. Nasisilip ko ang Manila Central Post Office sa di kalayuan. Nadaanan ko ang isang bus station, may mga nakapilang pasahero. Halos lahat yata nagmamadaling makauwi o makarating sa kung saan man nila nais tumungo. Ang Lawton ang transport hub na lagusan ng tatlong tulay patungong Binondo, Santa Cruz at Quiapo. Tanaw rin dito ang bungad ng Ermita at Intramuros. Sa bandang kanan ang abandonadong gusali ng theater center. Bitak-bitak ang sementadong pader, naghuhulos ang pintura. Animoy’ senyales ng naaagnas at naglalahong kultura. Tumawid ako sa overpass kasabay ang ilang mga komyuter na kabababa lang sa nagkukurus na landas ng mga dyip, FX, at bus. Kapansin-pansin ang ilang tolda sa liwasan. Nakapalibot ang mga streamers at plakard. Nakamarka sa mga pulang letra: NO TO MARTIAL LAW. NEVER AGAIN. KALINAW PARA SA MINDANAW. Maaaring tanda ang plasang ito ng mga protesta at demonstrasyon. Isa ito sa apat na freedom parks sa Maynila na kung saan makakapagsagawa ng rali na di na nangangailangan ng permit. Taong 1963, itinayo ang isang monumento sa gitna ng plasa at ipinangalan sa Ama ng Himagsikan, kay Andres Bonifacio. Tuluy-tuloy ang aking paglalakad tungo sa post office. Tila hinahabol ng bawat hakbang ang mga sandali, at ang pag-iisa-isa sa mga katagang isinisigaw ng mga raliyista. Dito sa plasang ito madalas akong maghihintay sa aking kasabay sa pag-uwi. Minsang nakilala ko siya sa gitna ng rali. Minsang nakipagpalitan ng yakap at halik, ng tawa at hinagpis. At lumipas na ang dalawang dekada, mananatiling sangandaan ang plasang ito ng aking mga alaala.

*

Day 168

Mahal kong Sol,

Hindi na muna ako nagbalik sa Kastilyo ngayong Lunes. Huling araw ng Sonderurlaub ni Michael kaya nagpasya akong samahan siya. Habang nananghalian, muli kaming nagkukuwentuhan tungkol sa aming kabataan. Magluluto sana siya ng spaghetti marinara dahil napakarami naming aning kamatis sa likod-bahay. Apat na garapon (kalahating litro) nang i-blender ang mga ito at isinalang sa pressure cooker ng 10 minuto. Naunahan ko siyang magluto ng adobo. Hindi siya kailanman humindi sa pambansang ulam ng Pinoy. Napansin niya ang patis sa platito. “Your first love, fish sauce,” pagbibiro niya. Lagi akong may katabing sawsawan (may patis, konting sukâ, at sili).

Nagsimula akong magkuwento sa kaniya. Salaysay kong anim o pitong taong gulang ako nang makatikim ng patis. Walang patis sa bahay. Toyo ang ginagamit namin sa pagluluto, minsan inuulam. Naaala ko noon tuwing Sabado at Linggo, isasama ako ni Mama sa siyudad, sa isang malaking bahay kung saan siya naglalabada. Sa mumunting kamay ko, natutulungan ko na noon siya sa pagkuskos ng mga damit, sa pagsasampay, at habang siya’y namamalantsa, ako ang tagatupi. Lagi niyang binabanggit sa akin, malapit lang dito ang bahay ng Tatay mo. Kapag naligaw ka, hanapin mo ang malaking tindahan ng maraming sorbetes. Sa unahan, matatagpuan mo ang iyong ama. Lipas na ang tanghali nang matapos namin ang labahin. Tatawid kami sa kabilang bahay, sa mga magulang ng amo ni Mama. Doon kami manananghalian. Pagkarating namin, wala nang natirang pagkain, ayon pa sa kasambahay nila. May nakatabing bahaw sa plato. Inabot kay Mama. Pinaupo niya ako. Nanatili siyang nakatayo. Nanghahagilap ang mata niya ng ulam para sa akin. Wala na talaga, pag-uulit ng kasambahay. Inabot sa akin ang platitong binudburan ng parang-toyo-at-parang-sukâ. Isinawsaw ko ang aking hintuturo. Iyon ang unang tikim ko ng patis. Naubos ko ang bahaw. Naubos ni Mama ang isang basong tubig.

Papalubog na ang araw, naglakad kami papunta sa terminal. Muling ikukuwento ni Mama, malapit lang dito ang bahay ng Tatay mo. Kapag naligaw ka, hanapin mo ang malaking tindahan ng maraming sorbetes. Sa unahan, matatagpuan mo ang iyong ama. Pagkalipas ng sampung taon, nagpabalik-balik ang aking alaala hanggang sa naligaw ako sa kalyeng iyon.

*

Araw 193

Mahal kong Sol,

Biyernes ngayon. Maagang nakabalik mula sa trabaho si Michael. Wala masyadong inspection schedule dahil na rin sa makulimlim na panahon. Mag-a-adobo sana ako na paborito niya. Hiling niyang mag-lunch kami sa isang restaurant malapit sa Piazza Cavalli na nadaanan namin noong unang araw dito sa Piacenza. Kaya nagpasya kaming lumabas. Pagkatapos naglakad kami papunta sa main train station dahil balak naming bumiyahe pa-Milan bukas kung maaliwalas ang panahon. Naupo kami sa café habang pinagmamasdan ang muling pagbuhos ng ulan.

Natawa kami nang maalala ang naranasan sa aming bakasyon sa Austria noong katapusan ng Hulyo, na muntikan pang masalubong namin ang bagyo sa Tyrol. At kahit sa Pinas noong Disyembre, natunghayan ni Michael kung paanong bumaha‘t lumutang ang mga basura sa isang resort hotel sa Cagayan de Oro. Pahayag niyang huwag na naming planuhin muna ang pagbisita sa Milan baka biglang magbago ang panahon.

Napag-usapan din namin ang tungkol sa online lecture ni Charlie Samuya Veric sa Stellenbosch Institute for Advanced Study kahapon. Naging interesado ako dahil sa pamamaraang awtobiografical hihimayin ng tagapanayam ang usaping colonialism at decolonisation sa Pilipinas sa panahon ng pananakop ng Espanyol at Amerikano. Naikuwento ko sa kaniya ang aking nobelang Kagay-an. Narito ang maiksing sipi:

Ayokong lamunin ang wikang banyaga pero sa pagkakataong ito, natutunan kong ito ang magpapalamon sa akin. Ito ang wika sa pag-a-apply sa trabaho. Sa pagpasok sa kolehiyo. Sa iba pang mga nais kong marating. Parang Diyos ang impluwensya ng wikang Ingles na ipinakilala ng mga Amerikano. At maging ang mga puti, mga ’blondeng diyos’ din ang nararapat na itawag sa kanilang sarili.

Marahil nabigyang paliwanag lalo na ang isyu tungkol sa wikang Ingles, sa sistema ng edukasyon at ang American military presence sa Pinas mula sa pahayag ni Veric: Isang larawan ng gusali ang ipinakita sa iskrin. ”This particular library, a special collections library, is located on the campus. But it’s funded and run by the Americans, so essentially it functions like a US base in the Philippine territory.” Dagdag pa niya sa mga sumunod na pagtalakay, “So when the Americans came, they established the public school system and they made sure that the English language would be at the center of that program, and education in English was actually part of the pacification campaign.”

Handa pang makinig si Michael. Alam kong napagtanto niya ang pagtatalo namin minsan kung bakit kailangan kong mag-aral ng wikang Aleman dahil isa sa requirements para sa marriage visa. “I have been colonised many times. I couldn’t even write my stories in my mother tongue. What is left of me?” “Ich bin hier, Mausi,” pahayag niyang naririto siya. Lagi akong napapangiti sa mga ganitong paglalambing ni Michael. Tanging tugon ko, ”Was sonst?”

Araw 194

Mahal kong Sol,

Hindi kami tumuloy sa Milan dahil makulimlim ang panganurin. Nagdalawang-isip kaming baka abutan ng ulan at mauuwi sa pagsilong sa café o kaya bar ang paggala sa siyudad. Sa halip, binisita namin ang Genoa. Isa’t kalahating oras na maneho ni Michael mula Piacenza. Tanghali nang dumating kami. Saglit kaming nagkape sa isang cafe sa Porto di Arenzano, katabi ng mas malawak na metropolitan ng Genoa.

Naalala namin ni Michael ang ilang dagat na nabisita namin mula Persian Gulf sa Saudi Arabia kung saan magkasama kami simula 2019, gayundin ang linggo-linggong pagpunta sa Bahrain, at siyempre ang di makakalimutang bakasyon namin sa UAE sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Dinala rin ako ni Michael sa Baltic sea sa Zingst nang unang pagbisita ko sa Alemanya at doon namin sinalubong ang Bagong Taong 2020. Siyempre ang Manila Bay sa MOA at Macajalar Bay sa Cagayan de Oro nang unang pagbisita naman niya sa Pinas; at ngayon sa Italya nalalanghap namin ang alon ng Ligurian Sea.

Magkatabi kaming nagkaupo sa dalampasigan. “We must visit the seven seas,” wika niya. Inangat ko ang aking celfon at umakting akong may hawak na mikropono sabay sinimulan ko ang ritmo ng Eurythmics.

At nakikoro si Michael. Kuwento niya, mas gumagaan ang kaniyang pakiramdam kapag nakakakita ng dagat. Gemini ang birth sign ni Michael. Pisces ako. Pahayag kong maaaring ako ang dahilan. At malaya niya akong kinabig sa kaniyang mga bisig. Kinulit ko siya na basahin ang isang tula na lagi kong naaalala kapag napapapadpad sa baybayin. Isa yata ito sa ipinasasaulo ng aming guro sa Filipino noong nasa high school ako. Tawa ako nang tawa habang pinakikinggan ang balu-baluktot niyang pagbabasa sa bawat kataga.

Pagdarapit-hapon
Kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
Sugatan ang paa
At sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon;
Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan,
Lahat, pati puso,
Ay naaagnas ding marahang-marahan.

Dapit-hapon na nang lisanin namin ang Genoa. Nais ni Michael na mag-overnight. Ngunit sabi kong hindi ko dala ang aking pampatulog. ”I am your melatonin,” patawa pa niya. Pagkarating namin sa Piacenza, kapansin-pansin ang dagsa ng mga tao sa piazza. Akala naming napakatahimik at di matao ang lugar, o dahil nitong nagdaang araw ay panay pag-ulan. O sadyang weekend kaya maraming namamasyal. Iginarahe ni Michael ang sasakyan at naglakad-lakad na rin kami sa sentro. Sa kopita ng Aperol Spritz, ikinampay namin ang napakasayang araw ng Sabado.