Keyboard and Breastfeed
Almayrah A. Tiburon
Dahan-dahan akong bumaba ng kama dahil baka magising ka. Ilang saglit pa’y naririnig ko na ang keyboard ng aking kompyuter, maraming salita ang gusto kong isulat, naghalo-halo na dahil naghahabol ng oras habang natutulog ka. Pagkakataon ko ito. Hindi na mahabol ng pagpindot ko ng keyboard ang takbo ng isip ko. Nakailang gabi na akong walang tulog at ilang kape na rin ang naubos ko.
Maraming deadlines; mga ulat na kailangang i-research at gagawan ng popwerpoint presentation at mga akdang nasimulan ngunit hindi pa natapos. Ang wala nga lang deadlines ay ang arugain kita at mahalin nang buung-buo.
Tunay na ang pagmamahal ng isang ina sa anak ay buung-buo at hindi mapapantayan. Pinagdaanan ko nga noon ang pinagdaanan din ng mga inang nagpadede; ang hindi tipikal na laging inilalabas ang dede ng babae; ang kawalan ng tulog; ang kahit ihing-ihi na habang nagpapadede ay ipinagpapaliban munang umihi; ang hirap na bumangon at humiga dahil sa hiwa ng tiyan. Pero mas malala ang sobrang sakit sa pagpadede, na kahit nagkasugat na ay hindi kaya ng loob ko na ipagdamot sa iyo ang gatas ko.
Matapos ang dalawang buwan ay bumalik na ako sa pagtuturo at pag-aaral at may mga pagkakataong dinadala kita tuwing nag-aaral ako sa Iligan, na matapos kong mag-ulat ay kukunin ka sa kaklase at ipapadede sa sulok ng klasrum. May trabaho rin ang tatay mo kaya wala kang kasama sa bahay, sa loob ko naman kahit may makakasama ka sa bahay ay mas panatag akong magkasama tayo. Tuwing nagtuturo naman ako ay wala akong pagpipilian kundi iwanan ka sa mga kamag-anak ng tatay mo.
Mahigit isang taon ka na ngayon ngunit sa akin ka pa rin dumedede. Kung ano-anong uri na ng gatas at babyron ang sinubukan namin sayo pero ayaw mo. Sakripisyo ‘yun sa akin bilang isang ina at isang guro. Ngunit anong sakripisyo ang hindi kayang lampasan ng inang nagmamahal sa kanyang supling?
Bigla ko tuloy naisip ang sakripisyo ko noong Mayo 23, 2017. Ang gyera na dahilan upang maraming Meranaw ang lumisan sa kanilang lugar. Masaklap ang pinagdaanan ng lahat lalo na ang mga bata, matanda, at babae na silang pinaka-vulnerable sa lahat. Katulad ko na isang buntis sa panahong iyon na nilisan ang sariling lugar upang mailigtas ka lamang.
Tanda ko ring umalis kami ng alas-syete ng umaga noong Mayo 25, 2017 at pumunta ng Pampanga dahil hindi na kaya ng loob kung dadagdagan pa ang dalawang araw na pananatili sa Marawi habang nagaganap ang digmaan. Sa daan, maraming naglalaro sa aking isipan habang may mga bisig na nagsasabing “nandito lamang ako.” Dama ko ang mga yakap ng kapanatagan at ang pag-aalala sa akin ng asawa ko, si Azis. Ang bawat segundo ay tila isang daang taon dahil usad pagong ang mga sasakyan. Busilak ang puso ng mga tao sa bandang Saguiaran. Nakatutuwa ang mga lumalapit sa mga sasakyan at sa mga naglalakad para mag-abot ng libreng tubig. Nakasulat din ang “libreng CR, libreng pagkain” sa ilang karatula. Iba ang mga Meranaw sa mga ganitong pagkakataon dahil umiiral ang pagtutulungan, paninindigan at ang tunay na maratabat.
Hindi ko makakalimutan ang labindalawang oras na iyon na sakripisyo sa daan; ang iwanan ang lugar na kabuhol ng aking buhay, ang lugar kung saan ako ay naging ako, ang lugar na bumuo ng aking pagkatao – ang mahal kong Marawi!
Bumalik kami ng Hulyo sa ngalan ng trabaho at mapagnilay-nilay na kailangan kami ng Marawi. Sa lugar na ito ay binilang ko ang mga buwan at hinintay ang Disyembre, hindi lamang ang ipanganak ka kundi ang pagtatapos ng Martial Law. Niluwal kita noong ika-14 ng Disyembre 2017, ngunit heto at extended ang Martial Law. Akala ko pa naman ay hindi mo ito masisilayan.
Ang pagkubkob sa Marawi ay hindi makalimutan ng bawat Meranaw na nananahan sa bayang ito, isang sigalot na tunay na nagwasak sa bawat pusong namumuhay nang mapayapa kasama ng kani-kanilang pamilya. Ngunit tila sinalanta ng marubdob na paninindigang bumubuga ng apoy at lumiyab ang bayang pinagsamantalahan at pinagkaisahan sa kanyang kahinaan ng mga kumubkob at ng pamahalaan.
Marahil ang pangmatagalang epekto ng gyerang ito sa mga babae at pamilya ay yung pagbangon dahil ang tanong, papaano sila magsisimula ng kanilang buhay matapos ang gulo? Papaano iilawan ng ilaw ng tahanan ang tahanan kung saan niya huhubugin ang kanyang mga anak na wala na ang kanilang bahay? Timba-timba ang luha ng mga magulang, lalo na ng ina, sa pag-iisip kung papaano sila mabubuhay gayong mahirap na ang kabuhayan dito. Papaano aarugain ng Marawi ang ilan pa niyang mga anak na nasa iba’t ibang lugar dahil dinala sila ng kanilang mga paa kung saan sila magiging ligtas? At papaano bubuuin ng Marawi ngayon ang sarili at ang nawasak niyang tahanan?
Alam mo, anak, noong pitong buwan kang nasa sinapupunan ko ay ramdam kong parang may bath tub kang maligamgam sa loob ng aking tiyan. Nag-ingat ako sa pagkain. Ipinaririnig ko rin sayo ang boses ko bago matulog at pagkagising. Hindi ko alam kung naririnig mo noon ang bomba at putukan sa paligid pero alam kong mas naririnig mo ang bawat tibok ng puso ko na nagsasabing “Mahal na mahal kita.” At ang bawat pag-iingat ko sa paglalakad ay siya mong duyan upang makarelaks ka at makatulog.
Gusto kitang maging komportable kahit pa ako ang madalas na hindi komportable dahil sa mga pagbabagong naganap sa akin simula noong ipinagbuntis kita. Pero alam kong nagagawan ng paraan kapag minsan ay nahihirapang huminga, kapag hinihingal sa paglalakad, kapag hindi komportable sa paghiga, kapag may gustong kainin agad na wala sa harapan, kapag ang paraan ng pagtuturo sa mga mag-aaral ay hindi na gaya ng dati na bigay na bigay dahil kinakailangang umupo para hindi mahilo at mapagod.
Naalala ko rin ang isang hatinggabi, habang pinapadede ka, dinig ko ang fighter plane sa himpapawid. Alam kong nagmamasid ito sa paligid, na baka may mga kahina-hinala. "Anak, Cozy, ang naririnig mo ay proteksyon nila sa iyo, okey?" bigla kong sambit sa iyo. Pero sa likod niyon ay hindi ito ang sinasabi ng puso at isipan ko. At biglang bumagsak na naman ang mga bomba ng pamahalaan, mahigpit kitang niyakap habang nayayanig ng bomba ang ating mga bintana na tila ibig kumawala sa kanilang kinalalagyan. Ayaw kong matakot dahil kailangan kong tapangan ang loob para sayo. Ngunit, sa panahong iyon ay mabilis ang tibok ng puso ko sa takot na baka sa bahay natin bumagsak ang bomba gaya ng dalawang beses nilang pagkakamali. Hindi maiaalis ang kaba ko habang nakahiga. Tuluyan na lamang akong nakakatulog dahil sa napagod na ang puso at isipan sa kakaisip.
Tuwing umaga naman, dinig na dinig ang barilan at bomba sa town o war zone. Maraming checkpoint ang dinadaanan kapag pumupunta tayo sa lugar ng tatay mo o pumupunta tayo sa Iligan. Nakakasalubong natin ang mga sasakyang pangsundalo o di kaya ay may kasunod tayong ganoon. Hindi ito ang kinamulatan na buhay nating mga Meranaw. Natatakot ako sa mga terorista at gayundin ang takot ko sa bomba ng pamahalaan. Ano pa ang magagawa ko bilang isang ina upang proteksyunan ka sa mabangis na lipunang ito?
Ibig isatitik ang danas kong ito dahil ayaw kong sa pagtanda at ulyanin na ay tangayin ng katandaan ang alaalang ito; kung paano naganap ang digmaan habang nasa sinapupunan pa kita, nililibang ang sarili tuwing naririnig ang barilan, putukan, bomba ng pamahalaan, at kung paano at gaano kita minamahal.
Muli kong narinig ang aking keyboard kasabay niyon ang paglingon sayo dahil gumalaw ka, naramdaman mo yatang wala ako sa tabi mo, na ang keyboard naman ang kasama ko. Dumilat ka at unti-unti ring pumikit. Itinuloy ko ang pagsusulat at nasipat ko ang mga ugat sa aking mga kamay. Biglang umikot sa isip ko ang dating kakilala. “Alam mo, iba ang itsura mo ngayon!” Ang walang gatol niyang sinabi sa akin na tila hindi niya narinig ang pangungumusta ko. Iba ang dating ng mga salitang iyon. Nakatitig lang siya sa akin.
Naalaala ko rin noong nagmamaneho pauwi ay naisip kita. Nakikipaglaro ako sayo at nililibang. Tila alam mong aalis ako kaya dumidikit ka sa akin. Wala akong pagpipilian noon kundi iwanan ka sa kapitbahay. Nang sandali kang malingat ay agad kong tinungo ang pinto. Pero itinali mo ang mga kamay mo sa leeg ko dahil gusto mong sumama, umiiyak ka nang ako’y umalis at mahirap din sa kalooban ko ang gayong sitwasyon.
Tunay na hindi biro ang maging ina at pag-iisip kung papaano pa magiging mabuti ang buhay mo paglaki. Ang dami kong pangarap para sa’yo at gusto kong maging maganda ang kalagayan mo nang sa gayon ay hindi ka maging sakit ng ulo ng Pilipinas. Matalino kang bata at maliban sa pagiging matalino ay gusto kong maging matino ka; marunong magpahalaga sa sarili, sa kapwa, at sa bayan, na nababatid ang pagkakaiba ng pagiging tao at pagpapakatao, at maging tunay na pag-asa ng bayan. Sa pamamagitan ng pagmamahal namin ng tatay mo ay hindi ka maliligaw, bagkus magbibigay ang pag-ibig namin sa’yo ng tanglaw tungo sa magandang bukas.
Malaki ka na ngayon, hinahabol na kita at nakikipaglaro sayo, may mga pagkakataon na nasasaktan ako sa kakulitan mo, na ang suntok at sipa mo’y inaakala mo pa ring laro ngunit binubugbog ka naman ng mga halik ko hanggang sa hahalikan mo rin ako at kasabay niyon ay yayakapin mo ako.
Alam mo, anak, tuwing may gusto kang ipakuha o ipagawa sa akin, tuwing ibig mong manood tayo ng walang kamatayang Trolls sa kompyuter, ay babawiin ko ang mga panahong ‘yun kapag tulog ka na. Kasabay ng himbing ng tulog mo ang pagiging subsob ko sa pagpindot ng aking keyboard, at gayun pa rin ang pasulyap-sulyap sayo at inaawitan ka ng puso kong walang pag-iimbot na pag-ibig.
Alam mo, sa pagitan ng lagnat dahil nagngingipin ka, sa pagitan ng pakikipagkulitan sayo ay talagang isinisingit ko ang pagsusulat tungkol sa ating sining at kulturang Meranaw dahil ibig ko ang pagbubuo at pagtatampok ng ating lahi. Hindi ko ito inuuna kaysa sa pag-aruga sayo ngunit kailangan kong balansehin ang panahong maaaruga ka at makapagsulat.
Mula sa sinapupunan hanggang sa paglaki mo ay ibig kong isatitik ang lahat ng tungkol sa ating dalawa, wala kang malay na nagtatalaga rin ako ng oras para maging bida ka ng aking panulat, na kaya kong pagsabayin ang pagpapadede at pag-organisa ng mga salitang nangungulit sa isipan. Basahin mo man ito kapag natuto ka nang magbasa ay hindi mo pa rin maunawaan. Ngunit natitiyak kong paglaki mo at may malawak na pang-unawa sa likaw-likaw ng buhay ay ipagmamalaki mo ako.
Umiikot ngayon ang buhay ko sayo, sa pagiging manunulat at sa pagiging guro. Isang ina na nag-aaruga at humuhubog ng anak, manunulat na nagbibigay-kamalayan sa mga mambabasa, at guro na ginagawang sagipin ang mga mag-aaral mula sa kamangmangan.
Naghahabi ako ng mga salita, anak ko. Maraming pag-ere ang ginagawa upang makapagluwal; mga pahinang nakatitik ang makasaysayan, mayaman, at makulay na kulturang Meranaw. Hindi man madali ang paghati ng oras sa pagpapadede sa’yo at harapin ang aking keyboard ngunit bilang isang inang manunulat ay hindi pupwede sa akin na isantabi ang pagsusulat, habang tulog ka’y uupuan ko ang nasimulang akda at sisiguraduhing bago ka magising ay may nagawa ako.
Ang danas kong ito ay tumutupad sa aking responsibilidad bilang isang Meranaw mula sa Marawi na may panatang itatampok ko ang sariling kultura. Ayaw akong bumitiw rito kasabay ng pag-aruga sayo dahil isa akong inang manunulat na nag-aaruga ng kanyang minamahal na supling, kumakalinga ng mga salita, at nagmamahal sa bayan.
Ang paghabing ito ay hibla lamang ang pagitan sa aking puso, musta ito ng aking kaluluwa. Ito ang papel ko na dapat gampanan. Kailangan kong balansehin ang pag-aaruga sayo at ng pagnanasang sumangkot sa usaping panlipunan na ilalatag ng aking mga salita. Tatahakin ang rubdob ng paglikha ng mga akdang manunuot sa pandama ng mambabasa.
Nagnanakaw ako ng mga sandaling maitala ang mga salita sa mga pahina ng papel tuwing nahihimbing ka. Habang pinapadede ka ay sumisingit ang pagsulpot sa isipan ang mga kaisipang kailangang maisatitik dahil takot na sagasaan ng rumaragasang paglimot dahil inilipad at tinangay ng pag-iyak mo. Kaya ayaw kong mangyari ‘yun dahil mahirap hagilapin, apuhapin sa loob at muling buuin.
Magliliwanag na, muli kang gumalaw, Cozy, at narinig kong tumilaok ang manok sa labas. Hindi pa ako tapos sa aking ginagawa, patuloy kong naririnig ang keyboard ng aking kompyuter, at patuloy naman na nagsisiliparan ang mga salita mula sa aking isip, sa dingding, sa kisame, sa kama, at sa ilalim ng kama. Hindi nagtagal ay heto na ang palahaw mo, anak, dedede ka na, ako nama’y nauuhaw na rin na matapos ito.